Ituloy ang pagbaklas sa mga higanteng billboard sa EDSA!
 
MALUGOD nating binabati si Chairman Francis Tolentino sa kanyang magandang pagganap ng tungkulin bilang tagapangasiwa ng isang ahensiya ng gobyerno na nakatutok sa mga problema at pangangailangan ng Kalakhang Maynila. Sa isang progresibong metropolis gaya ng Metro Manila, sadyang maraming problema ang dapat bigyang-pansin at agarang mahanapan ng solusyon. Lagi nating isaisip na ang Metro Manila ay ang National Capital Region ng ating Republika. Nagsisilbi ito bilang pinakasentro ng mga mahahalagang kaganapan sa buong sambayanan. Mayroon tayong kasabihan na kapag ngumiti ang Kalakhang Maynila, humahalakhak ang buong bansa.

Sa kabilang dako naman, ang anumang kaguluhan sa Metro Manila ay nagdudulot ng matinding pangamba at pagkabalisa sa ating mamamayan sa lahat ng sulok ng kapuluan.

Kasama sa listahan ng problema na tinutugunan ni Chairman Tolentino ay ang masalimuot na problema sa trapiko at polusyon, problema sa squatting at problema ng baha sa panahon ng tag-ulan at problema sa kaayusan at katahimikan at iba pa. Mangyaring tumagal lang ang buhul-buhol na trapiko sa EDSA ng maraming oras o kaya ay magkaroon ng malaking kaguluhan sa mga pangunahing lansangan na hinarangan ng mga pamilyang inililikas sa lugar na iniiskwatan gaya ng nangyari sa gilid ng Trinoma sa Quezon City, ang pangulo mismo ang nasasangkot sa paggawad ng madalian o pansamantalang solusyon! Pagpapatunay ito na napakahalaga at sadyang sensitibo ang lahat ng kaganapan sa Metro Manila sapagkat ito ay naglalarawan ng pambansang estado at sa tanggapin natin o hindi, naglalahad ito ng kakayahan o kahinaan ng kasalukuyang administrasyon sa pagtugon sa problema ng mamamayan.

Sariwa pa sa atin ang makasaysayang EDSA Uno at masalimuot na EDSA Dos na naganap sa Metro Manila. Sa pamamagitan ng "People Power" matagumpay na pinabagsak ang isang diktador at nagpalayas ng isang tiwaling pangulo sa Palasyo. At hindi rin natin makalilimutan ang ilang tangka o kilos-militar para pabagsakin ang gobyerno ni Pangulong Cory Aquino. Marahil, hindi kalabisang isulat na ang tagumpay ng pambansang pamunuan ay nakasalalay din sa ilalim ng isang epektibong pamunuan ng MMDA at mga programang tumutugon sa mga nabanggit na problema.

Wala tayong alinlangan na ang paghirang kay dating Tagaytay City Mayor Tolentino bilang MMDA Chairman ay isa sa pinakamahalagang desisyon ni Pangulong Noynoy. Hindi natin maikukubli na maraming kakampi ni P-Noy na kuwalipikado at may sapat na kakayahan ang interesado sa nasabing puwesto. Pero higit pa roon, ang buong tiwala niya, bilang kadiwa at kapuso sa paglilingkod ng marangal, ang ginamit niyang pamantayan sa pagtalaga kay Tolentino.

Sa loob ng mahigit sampung buwan na tagapangasiwa ng MMDA, sa harap ng ilang pangunang batikos, ipinamamalas ni Tolentino ang kanyang estilo ng liderato at kakayahan sa pamumuno ng isang sensitibong ahensiya ng gobyerno. Unti-unting nakikita ng mamamayan ng Metro Manila ang ilang kanais-nais na pagbabago gaya ng kampanya laban sa smoke-belching buses and jeepneys, pagtatalaga ng babaeng traffic enforcers at pagkumbinse sa mga bus operator na mag-empleyo ng mga female bus driver.

At sa ating pananaw, isang napakagandang kampanya na inilunsad ni Chairman Tolentino kamakailan ay ang pagbabaklas ng mga giant billboard sa EDSA na napatunayan na lumabag sa ating National Building Code at malinaw na nagbibigay ng malaking pangamba hinggil sa paniniguro laban sa disgrasya. Sa totoo lang, malugod nating sinusuportahan ang napapanahon at kaaya-ayang kilos ng MMDA. Hindi pa umiinit sa upuan ang ating pangulo, isinulat na natin ang isa sa pangunahing hinaing at hiling hinggil sa mga higanteng billboard sa kahabaan ng EDSA, mga istrukturang nagdudulot ng yamot at inis sa ating motorist at pasahero kada araw, na walang konsensiyang ipinagkakait ang maaliwalas na tanawin at walang pakundangan sa maidudulot na disgrasya sa mamamayan.

Kabahagi mo kami Chairman Tolentino sa pagbabaklas ng mga higanteng billboard! Huwag mong lulubayan ang kampanya kontra sa mga ganid na negosyante. Tuloy ang laban!

(Originally published in Dante V. Liban's "Lantaran" column in Bulgar, May 12, 2011)


Back to Home
 

email@mmda.gov.ph

MMDA

MMDA

MMDA

MMDA